Sa kasalukuyan, ating mapupuna ang paglaganap ng iba’t-ibang lengwahe sa lipunan tulad na lamang ng gay language, jejemon at iba pa. Ang isa sa mga nakakaimpluwensya rito ay ang malawakang paggamit ng media partikular na sa mga social networking sites tulad ng Facebook, Twitter at Instagram. Sa panahon ngayon, hindi maiiwasan ng kahit na sino ang maki-“blend-in” sa kung ano ang “trending” ngayon kung kaya’t ang tanging magagawa na lamang natin ay ang bigyan ito ng limitasyon nang sa ganon ay hindi mayurakan ang wikang ating kinalakihan at pilit na iniingatan. Malaki ang maitutulong ng adwikang ito sa atin sapagkat dito natin makikita ang kontribusyon ng wikang Filipino sa pag-unlad at pagkakaisa ng ating bansa. Sa pamamagitan nito ay atin ring malalaman kung paano ang tamang paggamit ng wikang Filipino sa pagpapahayag ng ating mga damdamin at saloobin sa social media at nang sa ganon ay hindi masira wikang pilit na pinagyaman ng mga naunang henerasyon.
Isa sa mga mithiin ng konseptong papel na ito ay ang imulat ang mga kabataan sa tamang pag gamit ng mga salitang kanilang natututunan sa mga social networking sites na usong uso ngayon. Hinahangad din ng konseptong papel na ito mabigyang kaalaman ang bawat isa sa kung ano nga ba ang kahulugan ng mga salita o lengwahe na kanilang natututunan nang sa ganon ay kanilang malaman kung angkop pa ba ang mga salitang kanilang ginagamit sa tuwing makikipag usap sila sa iba. Sa ganitong pamamaraan ay maiiwasan ang pagkakaroon ng hindi pagkakaintindihan sa pagitan ng bawat isa.
Nang dahil sa mga naglalabasang makabagong lengwahe na siyang nagpapalawak sa bokabularyong Filipino, nalilimutan na natin kung papaano nga ba gamitin ng maayos ang sarili nating wika. Kung kaya naman ang pag-aaral na ito ay naglalayong: Una, ang matukoy kung ano nga ba ang papel ng media sa pag-unlad ng wika nang sa ganon ay magabayan ang bawat isa sa tamang paggamit ng wika. Ikalawa, ang mabigyan ng pagkakataon ang mga kabataan partikular na ang mga mag-aaral sa kung ano nga ba ang saloobin nila ukol sa nalaganap na makabagong lengwahe. Ito ay upang makapagbigay konklusyon sa pagbabago ng wika mula noon hanggang sa kasalukuyan. At ang ikatlo, ang makagawa ng konkretong awtput sa anyong blog nang sa ganon ay maipakita namin kung ano ba ang saloobin namin ukol sa isyung ito at nang sa ganon ay mapaalalahanan namin ang aming kapwa kamag-aral sa kahalagahan ng wika at kung bakit kailangan natin itong ipreserba at pangalagaan.
No comments:
Post a Comment